
Pinuri ng Globe ang mga awtoridad sa pag-aresto sa isang foreign national na sangkot umano sa pag-supply ng spoofing devices sa bansa na ginagamit sa pagpapalaganap ng text scams.
Ito ay isang malaking tagumpay laban sa spoofing, isang scam modus gamit ang mga international mobile subscriber identity (IMSI) catcher kung saan nakakapagpadala ng SMS na mistulang mula sa lehitimong sender IDs.
May mga naitala nang insidente kung saan nakatanggap ang mga customer ng spoofed messages na mula umano sa sender ID ng Globe para sa pekeng Rewards claims at iba pang hindi awtorisadong mensahe.
“Ang pagka-aresto sa isang suspek na konektado sa IMSI catchers ay isang mahalagang hakbang upang mapigilan ang mga scammer na matagal nang nakakalusot sa batas. Inaasahan naming ang kasong ito ay magsisilbing babala sa mga manloloko: your time is running out,” ani Atty. Froilan Castelo, General Counsel ng Globe.
Ang text scams gamit ang IMSI catchers ay mahirap masawata dahil hindi dumadaan sa telco networks ang mga ito. Ang mga portable device na ito ay nagsisilbing pekeng cell towers na nagbibigay-daan sa mga manloloko na magpadala ng mapanlinlang na SMS sa mga SIM na nasa paligid nito.
Nakikipagtulungan ang Globe sa gobyerno para pigilan ang pagpasok ng IMSI catchers sa Pilipinas.
“Handa ang Globe na suportahan ang gobyerno para tuluyan nang masugpo ang mga manloloko,” dagdag ni Castelo.
Muling pinaalalahanan ng Globe ang publiko na mag-ingat sa mga kahina-hinalang text message, lalo na iyong nagpapanggap na mula sa lehitimong mga source.
Muling nanawagan ang Globe sa publiko na mag-ingat sa mga kahina-hinalang link at mga alok na “too good to be true.” Hindi kailanman magpapadala ang Globe ng clickable link sa mga official text advisory nito.
Kung makakatanggap ng scam SMS, maaaring i-report ito sa #StopSpam portal ng Globe.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga hakbang ng Globe laban sa mga scam, bisitahin ang https://www.globe.com.ph/.